Mga Bagay, Lugar at Taong Namimiss Ko sa Liliw

Malaki ang ginampanan ng aking bayang pinagmulan – Liliw, sa paghubog sa aking pag-uugali, asal, kultura at mga prinsipyo sa buhay. Simula noong ipanganak ako hanggang sa magtapos ng high school, napamahal na sa akin ang bayan ng Liliw. Naging bihira na ang aking pag-uwi noong nagkolehiyo ako sa Los Baños. Maliban sa bakasyon at holidays, ako ay nakakauwi lamang sa Liliw ng isa o dalawang beses sa loob ng isang buwan. Hanggang sa pinili ko na rin na doon magtrabaho sa aming unibersidad nang matapos ako ng kolehiyo. Kasalukuyan naman ay dito na kami naninirahan sa Bay, Laguna.

Kaya ko rin ginawa ang site na ito ay dahil gusto ko ring makaambag sa pagpapakilala ng aming bayan at maipagmalaki ang mga produkto ng Liliw lalong-lalo na ang tsinelas. Noong nakaraang araw nga na ako ay umuwi upang makilibing sa isang namatay na kamag-anak, habang nasa biyahe ako ay madami akong naalalang mga bagay na nangyari sa aking paninirahan sa Liliw gaya ng mga sumusunod:

1. Tanarte

Ito ang sikat na funeral service sa Liliw. Hindi ko lang sigurado kung hanggang ngayon ay ito pa rin. Noong bata ako, sa tuwing mapapadaan ako doon sa kanilang kabaungan ay hindi ako tumitingin. Takot kasi ako sa kabaong dati. 

2. Bilyaran ni Ma-Timoy

Ito ang paborito naming tambayan ng barkada ko noong high school. Pagkatapos sa school ay diretso na kami dito. Bibili ng inihaw na dugo ng manok at mga isaw habang naglalaro ng billiards. Ang orihinal na pangalan ng aming grupo ay Barkada 23. Nagsimula ito noong CAT namin. Apat pa lamang kami noon – Ako, Dexter, Aljon at Cristen. Hanggang sa nadagdagan na kami – Jehrus, Jonas, R-Jaicer, Lerie at Rupert. Sa ngayon, lima na ang may asawa’t anak sa amin. Dalawa ang engaged at dalawang single. Magkikita-kita ulit kami sa kasal sa darating na December.

3. Tindahan ni Brul

Dito ako palaging pinapabili ng mga pako, bumbilya, at iba pang mga gamit sa bahay. Hardware store ito. I’m not sure kung running pa rin ang business nila.

4. Wilmac

Ito ang paborito naming bilihan ng burger. Kahit mga alas otso ka pa pumunta doon, may mabibili ka pa. Sa isang bahay lang ang store at hindi tulad ng mga Minute Burger na may pwesto.

5. Brownies sa Central

Namimiss ko ang pisong brownies at palamig sa labas ng aming elementary school. Sa tuwing labasan, siguradong pila na ang bumibili sa mga tindahan sa labas. Masarap din ang tindang pansit habhab lalo kung lalagyan ng suka.

6. Estrabo

Sa pagkakaalam ko, ito ang pinakaunang grocery store sa Liliw. Still running pa rin naman ito pero madami na rin itong competitor sa ngayon. 

7. Pokang

Taga-Liliw ka kung alam mo ito. Alam na alam ito ng mga mahilig mag-jog sa Liliw. Ito rin ay isang ilog na pwedeng paliguan. May mga resort na rin naman ata doon sa ngayon. Natatandaan ko isang beses ay nag-cut kami ng class para pumunta doon. Hindi ko matandaan kung napagalitan kami pero isang buong klase kami na hindi pumasok noong hapon.

8. Isla Berde

Ewan ko kung bakit ito ang tawag dito. Hindi naman ito isang island at sa ngayon hindi na naman maberde doon. Baka dati ay palayan iyon kaya ganoon ang tawag. Dito nakatayo ang aming high school. Madami akong memories ng aking mga kaklase dito. Shout out to IV-Archimedes! Ito ang section namin noong fourth year. Miss niyo na ba ang paglalaro ng bingo after class? Pati na rin ang baseball. Naghagilap ako ng ilang pictures namin sa Facebook. Seriously, nakakamiss talaga ang high school. I’ll make a separate story about our class. Medyo mahaba kasi kapag inisa-isa ko kayo. Regards to everyone!

9. Tulay sa Grotto

Literal na tumatawid pa ako ng ilog para makapunta sa bayan. Matagal na rin ata noong huli akong umuwi sa Grotto (Brgy. Oples). Ang sarap maglakad sa tulay kasi kita mo ang agos ng ilog mula sa itaas. Dati ay pwede pang paliguan ang ilog pero sa ngayon mukhang hindi na ata.

10. Simbahan

Tanda ko noong freshman kami, may bonus kapag sisimba kami tuwing Linggo. May attendance pa nga iyon. Mahilig akong maglagay ng holy water sa noo dati at humalik sa paa noong poon na nakahiga. Tanda ko rin na dinala ko pa sa simbahan ang lapis na ginamit ko sa pagkuha ng UPCAT. Noong high school kami, uso din ang simbang labas. Kunwari sisimba pero makikipag-date lang.

Siyempre marami pa akong namimiss pero hindi ko na maisusulat lahat. Kung ikaw ay taga-Liliw at matagal ka na ring hindi naninirahan dito, feel free to comment below kung ano ang mga bagay o lugar na namimiss mo.

Tagged , , , , , , ,

1 thought on “Mga Bagay, Lugar at Taong Namimiss Ko sa Liliw

  1. running pa naman yung stores kuya otep 🙂
    -sherwin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Close