Ang Badong Footwear ay isa sa orihinal na pagawaan ng tsinelas sa Liliw na talaga namang lumikha na ng pangalan at tatak sa industriya ng tsinelas. Sila ay mahigit limampu’t limang taon na sa industriya at patuloy pa rin sa paggawa ng mga dekalidad na sapatos at tsinelas.
Sa totoo lang, kahit taga-Liliw na ako simula noong ipinanganak hanggang pumasok sa kolehiyo, hindi ko pa nakikita sa personal si Mang Badong. Lagi ko lang naririnig ang pangalan niya. “Doon ka bumili ng sapatos sa Badong. Matibay doon at kilala na.”
At ngayon ngang ginawa ko ang site na Liliw Tsinelas Online Store, mas naging interesado ako sa kasaysayan kung paano nga ba nagsimula ang industriya ng paggawa ng tsinelas sa aming bayan ng Liliw.
Sa aking pagsasaliksik sa internet, nalaman ko na ang totoong pangalan ni Mang Badong ay Salvador Monteiro na siyang nagmamay-ari ng Badong Footwear. Labing-limang taon pa lamang si Mang Badong noong namasukan siya sa pagawaan ng tsinelas bilang taga-dikit ng swelas hanggang sa magtayo na siya ng sariling pagawaan.
Noong nagsisimula si Mang Badong ng kanyang negosyo, mayroon lamang siyang tatlong empleyado hanggang sa dumami na ang dumarating na orders at nagpatuloy sa paglago ang kanyang negosyo. Ngayon, ang kanyang backyard factory ay gumagawa ng 2,000 pares ng mga tsinelas (bakya at sapatos) sa loob ng isang buwan.
Kung mapapanood mo ang episode sa My Puhunan, si Mang Badong ay nagkaroon ng panayam mula kay Karen Davila.
“Pagka-graduate ko ng high school, nag-part time ako sa isang slipper factory dito sa Liliw. Eh noong panahong iyon, ang mga panganay kong kapatid nagta-trabaho na, nagre-receive lang sila ng minimum wage [noon] na 120 pesos a month, pero ako a week ay nagre-receive na ako ng 40 pesos a week.”
“Pagkatapos maidikit ang swelas ng tsinelas, mayroon akong isang heavy machine na ang down payment ay 20 pesos at ang monthly installment ay bente pesos din. Kaya ako’y may machine.
“Kapag walang ginagawa, [at] may gunting ka, kung mahilig ka talaga ng arts eh di magupit ka. Kasi sa negosyo hindi pwedeng basta negosyo lang. Dapat sasamahan mo ng art din.”
Isang inspirasyon ang buhay ni Mang Badong hindi lamang sa aming mga taga-Liliw kundi sa lahat ng mga taong gustong magsimula ng negosyo. Sabi nga niya sa isang article na nabasa ko, “My success is defined not only by the money I make by doing what I love, but also by the jobs I am able to provide to the people of Laguna.” Nawa’y maging prinsipyo rin natin sa buhay ang mga salitang iyon mula kay Mang Badong. Kaakibat ng ating pag-unlad ay ang pagtulong sa ating kapwa upang matulungan din sila sa kanilang sariling pag-unlad.
Para sa mga bibisita sa aming bayan, matatagpuan ang Badong Footwear sa may Gat Tayaw Street Liliw, Laguna. Ito naman ang kanilang cellphone number: 0909-297-5388 at landline number: (049) 563-008. Pwede mo rin silang bisitahin sa Facebook: www.facebook.com/badongfootwear/
Para sa mga nagnanais na pumasyal sa bayan ng Liliw sa pamamagitan ng commute, maaari ninyong basahin ang link na ito: Paano Pumunta sa Liliw na Commute.
Good pm po, paano po kumuha ng whole sale po sa inyo? Gusto ko po kc Mag sale online..